Kasisimula pa lang ng teleseryeng ito, hndog ng ABS-CBN para sa madla.
Hinahangaan ko ang sumulat sa nobelang ito. Tuloy naalaala ko ang aking karanasan bilang isang guro mga labing-anim na ang nakaraan. Iba man ang sitwasyon nila Celina at Carlo pero kailan man hindi ko rin malimutan ang nakaraan kung saan naging bahagi na ng buhay ko.
Sa gulang na dalawampu't-tatlo, nagsimula akong manilbihan bilang isang guro sa isang pribadong paaralan ng sekondarya. Hindi maipagkaila na medyo mas malaki pa ang mga ilang estudyante kay sa akin. Alam n'yo na may mga bagay na hindi natin inaasahan na sadyang pwedeng mangyari o hindi depende sa ating pagkatao.
Minsan, hindi natin maiwasan na sa araw-araw na humarap at nakikitungo tayo sa mga estudyante na may puso palang nagmamahal.
Kaya, namalayan at nalaman ko na lang na isang estudyante ang nagka-interes sa aking pagkatao. Labimpito siya nuon at nasa ikatlong taon ng hayskol pa lang dahil sa kanyang pagbubulakbol at ipinaubaya siya ng kanyang mga magulang sa kanilang katulong. Masyado kasing abala sa kanilang negosyo ang kanyang mga magulang. Sa totoo lang, matalino siya talaga at katunayan, siya pa nga ang mayor sa kanilang klasrom.
Simple lang talaga ang aking pagkatao pero maprinsipyo sa buhay. Kung ano ang patakaran ko sa loob ng silid-aralan, dapat lang sundin. Tawagin man ako ng aming prinsipal na "disciplinarian" tama talaga siya kung saan nagustuhan naman niya.
Siguro na-challenged 'yong binatilyo sa akin kaya napansin ko ang kanyang kabaitan sa pag-aaral at lagi siyang nagpapaiwan sa loob at gustong makipagkwentuhan. Sa totoo lang, naasiwa talaga ako baka ano na lang ang isipin ng ibang mga estudyante.
Hindi ko naman siya pwedeng ipagtabuyan kasi wala naman siyang ginawang masama.
Isang hapon, uwian na pagkatapos ng "flag retreat" meron kaming ganuon noon.
Kailangan kong maglakad papunta sa paradahan ng trisikel o multicab. Bigla na lang siyang sumulpot sa harapan ko at niyaya niya akong sumakay sa motorsiklo niya. Unang alok, hindi ko siya pinagbigyan at sinabi kong may dadaanan pa ako at salamat na lang.
Mahirap itakwil ang isang estudyante lalo na kapag sabihin na ikaw ang ginawang inspirasyon sa kanyang pag-aaral. Talagang nakita ko/namin ng kanyang kapwa estudyante ang kanyang pagpupursige ng kanyang pag-aaral at sa mga grado niya.
Hindi pwedeng wasakin ang kanyang nasimulan na pagbabago at pagsusumikap. Natural lang talaga sa isang estudyante ang humanga sa kanyang guro. Para sa akin, hindi ko talaga nadama na may pagtingin ako sa kanya...ibig kong sabihin, pagmamahal.
Estudyante lang talaga ang turing ko sa kanya at hindi ko kayang saktan ang kanyang damdamin at baka magkamali na naman siya ng landas. Para sa akin, tulong ang ginawa ko sa kanya para ipagpatuloy ang kanyang simula ng magandang kinabukasan. Alam ko paghanga lang ang lahat at sa kalaunan mawawala din ang sinasabi niyang pagmamahal.
Linggo ng Wika noon at bawat silid ay kailangang may isang presentasyon. Dahil mahusay at maganda ang boses niya sa pag-awit, siya ang itinulak ng kanyang mga kaklase at nag-second the motion naman ako. Hit na hit nuon ang awit na "Binibini" kung saan 'yon ang kanyang inawit kasi kailangang tagalog talaga para sa Linggo ng Wika. Sabi pa naman na ang awit na ito ay para sa inyong lahat lalung-lalo sa aking tagapayo (adviser). Siyempre walang malisya kasi tagapayo, di ba!
Biro mo nagkakakilig ang mga estudyante sa kanya lalo na ang mga nasa ika-apat na taon. Sa katunayan, gwapo, maputi (makinis) matangkad at very neat siyang magdala ng damit lalo na sa kanyang uniporme. Sabihin nating kahawig ni Jericho Gonzales ...medyo moreno lang si Iko.
Tama si Celina ng sabihin niya kay Carlo na huwag mong ibuhos ang lahat ng 'yong pagmamahal sa akin,magtira ka para sa iyo.
Sinabi ko rin 'yan sa estudyante ko noon at dagdag pa sabi ko sa kanya, "paghanga lang 'yon at balang araw malaman mo rin kung ano ang totoong pagmamahal at magmahal."
Galit ang kapatid kong lalaki isang araw inihatid niya ako sa bahay ng aking Manong. Ipinaliwanag ko kay Manong ang lahat at naintindihan naman niya. Hindi pwedeng wasakin ang buhay ng isang taong nagbabago.
Oo, paminsan-minsan sinamahan ko siyang mamasyal at kumain sa labas. Palaging siya ang taya kasi lalaki daw siya.
Naawa talaga ako sa kanya at nahirapan ako sa sitwasyon. Nirespeto talaga niya ang pagkatao ko at doon ako humanga sa kanya. Nanliligaw talaga siya sa akin pero hindi ko siya sinagot. Ang sinabi ko sa kanya hindi pa ang tamang panahon at baka magbago pa ang kanyang isip.
Ang galing sumagot, "Bahala na ug kanus-a ko magpaabot basta ayaw lang pod ko ibusted."
Para sa kanya MU (mutual understanding) kami. Hanggang ganuon lang tlaga. Dapat lang huwag sirain ang kinabukasan ng isang tao na nangangailangan ng inspirasyon.
Ano ang naging wakas, abangan n'yo na lang sa sunod kong pagku-kwento.
No comments:
Post a Comment