Search This Blog

Tuesday, April 21, 2009

Kung Maibabalik Ko Lang

Ang pagmuni-muni ay bahagi na sa ating buhay lalo na ang pagbabalik sa mga nagdaang kasiyahan.

Naalaala ko tuloy ang aking kabataan sa aming nayon. Anak ng Ilog po ako. Lumaki akong sa ilog nagtatampisaw palagi.

Natuto akong lumangoy noong ako'y mag-aapat na taon pa lamang. Paano kasi sampung beses kaming maliligo sa loob ng isang araw kasama ng mga kabataan sa aming lugar.

Sa simula, doon lang ako sa makitid o mababaw na tubig humahawak sa mga ugat ng kahoy na "Kayam". Muntik na nga akong matiklo kasi nadulas ang aking kamay sa paghawak at buti na lang nakita ako ng aking nakakatandang kapatid at nasagip niya ang buhay ko.

Sabi nila, normal lang daw 'iyon sa simula para naman matuto eh kung walang nakakita talagang malas ang buhay. Ang masabi ko lang, binuhay pa ako ng Panginoon dahil may misyon pa siya sa akin. Sa aking murang isipan, naalaala ko ang mga munting bagay-bagay sa aking paglaki.

Minsan nga, palo ang aming inabot sa aming mga Lola kasi maghapon talaga kaming nakababad sa tubig. Magpahinga lang kami para patuyuin ang aming mga buhok at katawan sa sikat ng araw. Alam mo na sa murang pag-iisip ng bata, gustohin na maging kulay "kayumanggi" daw ang buhok kaya nagbilad kami sa araw halos buong maghapon. Nagkatotoo sa iba kong kasama pero sa akin kailan man hindi nagbago ang kulay pero talagang ang dami ko ng patay na buhok at lalong nangingitim ang pinagwalang-bahala na balat. Ang kintab-kintab pa ng mga buhok namin at saka ang katawan dahil sa katas ng niyog. Hindi kami gumagamit ng lotion sa aming murang isipan kung di ang gatas ng niyog talaga.

Alam n'yo na sa probinsya, ang daming niyugan at kung may mahulog man na niyog at sinong makakita sa kanya na mapunta. Kung panahon ng pag-aani ng niyog, kukuha kami sa mga naka-baked na mga niyog at nguyahin namin para gawing Shampoo at lotion sa aming katawan. Eh! mga bata kasi, walang pakialam sa mundo basta lang ang alam namin maganda sa balat at buhok kasi paano pati langaw madapa...whaaaa!

Eh! kasi bata, palagi kaming pinapagalitan ng mga Manang na naglalaba sa tabing-ilog kasi nangingitim ang templa ng tubig sa aming kalalaro at kailangan pa naman nila ng malinis na tubig. Pati tuloy ako nagkaroon ng tinatawag na "ear infection". Dinala ako ng Mama ko sa EENT at sabi pa naman ng maggagamot na hindi muna ako lulubog o lumangoy sa tubig kasi masama sa aking tainga.

Eh kasi bata! Talagang matigas ang ulo kaya nakisali na naman sa kasiyahan ng pagtatampisaw sa tubig.

Ibinalik na naman ako kay Dr. Racho kasi ang sakit na talaga ng tainga ko. Maski wala kaming pera at sa awa ng Diyos nakaraos din ang mga magulang ko sa gastusan dahil sa aking katigasan. Mula noon naging maingat na ako at kung maligo man, hindi na 'yong parang "tunaan sa Kabaw".

Sino ba naman ang hindi ma-engganyo sa nakakatawag-pansin na ilog sa aming bayan. Naala-ala ko nga kapag may mga turistang dumaan, nag-exhibition kami sa pagtatalon sa puno ng "Kayam" pabagsak sa tubig. Eh! kasi bata! gustong magpakita ng gilas. Kinunan kami ng retrato ng mga turistang dayuhan pero hindi naman kami binigyan ng kopya....ahehehe! Paano nakasakya sila samantalang kami ay naging aliwan sa kanilang paningin at binaliwala lang namin ang mga dumadaang sasakyang pantubig.

No comments: